SADPP GAMES 2023: Pinasigla ang pagkakaisa sa Parokya ni San Antonio de Padua
- SADPP SOCCOM
- May 6, 2024
- 2 min read

Ang San Antonio de Padua Parish (SADPP) sa San Antonio, Kalayaan, Laguna ay nagsagawa ng taunang Palarong Pamparokya noong Hulyo 25, 2023 na ginanap sa San Antonio Gymnasium, SADPP Grounds at sa Fr. Mariano Villamir Parish Hall. Ang nasabing programa ay paraan ng mga pamunuan ng parokya upang magsilbing tulay para pasiglahin ang pagkakaisa hindi lamang bilang mga maglilingkod kung hindi, bilang mga mananampalataya at kawan ng Diyos.
Ang Unang Parte ng programa ay pormal na sinimulan sa pamamagitan ng isang Banal na Misa sa ganap na ika-7:00 ng umaga na pinamunuan ni Reberendo Padre. Pablo T. Bugay Jr. na sinundan ng isang pampasiglang sayaw mula sa mga miyembro ng LCM (Lectors and Commentators Ministry at MBG (Mother Butlers Guild) upang gisingin ang natutulog pang mga diwa ng mga nakilahok. Nang matapos ang presentasyon agad naman itong sinundan ng isang Pambungad na Pananalita ng Parish Pastoral Council sa katauhan ng Vice President for Organization na si Gng. Lani A. Bustarde at sinundan ng Torch Lighting Activity na pinangunahan ng kanilang Kura Paroko na si Reberendo Padre Pablo T. Bugay Jr. kasama ang mga pinuno ng Parish Pastoral Council, Parish Youth Commission, Pangkat I at Pangkat II na siyang sinundan ng Panunumpa ng mga Manlalaro na pinamunuan ng Vice President for Apostolate ng PPC na si G. Neil Gene R. Fadri.
Sama-sama nang pumunta sa San Antonio Gymnasium at sa Fr. Mariano Villamir Parish Hall ang mga manlalaro at manonood upang simulan ang unang larong isasagawa sa magkaparehas na oras. Ang mga larong nakapaloob sa programa ay Basketball Boys (Junior and Senior), Volleyball Boys and Girls, Chess, Scrabble, ML Tournament, Palaro ng lahi at Bingo. Ang mga manlalaro ay sama-samang nagtanghalian sa loob ng Father Mariano Villamir Parish Hall. Nagpatuloy ang pagtakbo ng oras at nagpatuloy din ang daloy ng programa hanggang sa matapos ang lahat ng mga larong isinagawa at may mga hinirang ng kampyon sa bawat larangan.
Nang araw ring iyon ay isinagawa ang Pagkilala sa mga manlalarong nagwagi sa mga palarong pampalakasang isinagawa sa buong maghapon. Walang hinirang na overall champion sa palaro dahil pantay lamang ang mga naging resulta ng bawat laro sa pagitan ng dalawang grupong nakilahok.
Kasabay ng paggagawad ng medalya sa mga tinuring na kampyon sa mga laro ay may kasama itong paalaala mula sa PPC Treasurer na si Gng. Jenny S. Fernandez bilang Pangwakas na Pananalita na ang mga medalya at pagkilala ay iginawad upang kilalanin ang ipinamalas na galing ng bawat manlalaro sa bawat laro na kanilang sinalihan at hindi upang magkaroon ng kompetisyon at buhayin ang diwa ng pagalingan sa pagitan ng dalawang grupo. Kasunod nito ay sinundan ng Pagbabasbas ng Kura Paroko na si Reberendo Padre Pablo T. Bugay Jr. upang pormal na tapusin ang programa na siya ring may kasamang paalaala na ang programang isinagawa ay para mabuo at pasiglahin ang diwa ng pagkakaisa sa puso ng bawat maglilingkod upang makapaglingkod sila nang maayos at masaya para sa kanilang simbahan, mga kapwa mananampalataya at sa kanilang parokya.
Comments